Mahigit limampung araw na ring nasa ere ang Pinoy Big Brother (PBB) ngunit kahit nilukuban na ng last song syndrome ang karamihan sa mga TV buff ng theme song nito na Pinoy Ako, patuloy pa ring umaani ng batikos ang nasabing ‘reality show.’ Kunsabagay, sa theme song pa lang, sablay na dahil wala naman talaga itong kaugnayan sa konsepto at format ng PBB.
Ironic, pero sa kabila ng mga negatibong feedback (kasama na ang sa akin), parang magnet pa rin itong nakakahila ng atensyon ng mga manonood (kasama uli ako). Masarap kasing panoorin ang buhay ng may buhay; gawing pulutan ang chismis ng ibang nagchi-chismisan; at siyempre, ang manlibak ng ibang tao kahit na daig pa ng isang sinumpang nilalang ang pinanggagalingan ng mga loose comments.
Naka-angkla ang PBB sa mausisang panlasa, pagsasalsal at pagkakatha ng mga pangyayaring kumikiliti sa emosyon at imahinasyon, at pagbibigay ng ilusyon na mas marami pang kapana-panabik na pangyayari ang magaganap. Ngunit gaya ng mga nauna nang prediksyon sa palabas, singbilis ng pananawa ng tao ang pagkaubos ng mga bagong pakulo ng mga ‘big brother’ sa likod ng teleserye.
Kaya hindi na ako nagtaka na kailangang magpasok pa ng isang Close up model ang show kapalit ni Jenny para lamang masustini ang kaaliwan ng mga manonood - na eventually ay ang magiging susi sa tuluyan nang paglaladlad ni Uma ng kanyang tunay na sexual preference. Kahit kasi ano pang pagtatakip ang gawin ng PBB at ABS kay Uma (dahil isa ito sa may mga pinakamalakas na potensyal na maging matinee idol tulad ni Piolo) ay sisingaw pa rin ang lansa ng kanyang matris. Hindi rin naman ito dapat ikatakot ng ABS, sumikat naman si Piolo hindi ba?
Hindi na rin tayo dapat magulat na nag-survive pa si Mam Racquel hanggang sa ikatlong eviction night, dahil sa bawat pinapanood nga naman, kailangan ng kontra-bidang sinusubaybayan.
Hindi na rin tayo dapat magtanong kung bakit sapilitang tinanggal si Bob sa bahay ni Kuya. Wala na rin naman siyang magiging saysay dun dahil wala na si Racquel. Wala rin naman kasing dating yung Bob-Nene tandem na later on ay dinevelop. At siyempre, kailangan talagang may mawala para magkaroon ng tuntungan ang isang ‘big switch’ na kinuha rin lang naman sa kumita nang ‘wild card’ ng Star Circle Quest.
Ngayon namang kabilang si Franzen sa limang kandidatong maaaring mapalayas sa bahay, tiyak na kikitang muli ang PBB at ang mga cell phone companies dahil malinaw naman na siya ang paborito ng lahat ng manonood.
Ngunit matapos ng eviction night, may bagong gimik pa kayang mapipiga ang mga writers ng palabas?
Dahil nakabatay ang palabas sa mga panaka-nakang kontrobersya at pakulo, wala itong siguradong puhunan para masustini nito ang interes ng manonood hanggang sa katapusan.
Hindi ba’t neck-to-neck ang laban at bigo pa rin nitong ungusan ang inimport lang na Koreanong palabas sa kabilang istasyon? (puntahan ang www.tolsky.blogspot.com para makita ang pinakahuling ratings ng ABS at GMA7)